Nasa 35 na sachet ng hinihinalang shabu ang natuklasang nakasiksik sa mga laman ng manok at mga sili ng adobong ipapadala sana ng suspek sa loob ng Davao City Jail male dormitory nitong Martes.

Nagkakahalaga ng P256,000 ang naharang na shabu, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology.

Kinilala ang suspek na si Richard Caybot na nagdala ng adobong manok at 'humba' bilang 'paabot' sa kulungan.

Siya ay inaresto at dinala sa Talomo Police Station.

Binalaan ni BJMP chief Jail Director Allan Iral ang mga pamilya ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na huwag magdala ng mga kontrabando at sumali sa mga iligal na gawain.

“Mahirap na po ang sitwasyon natin ngayon dahil sa pandemya kaya huwag na po sana kayong gumawa pa ng anumang paglabag sa batas,” aniya.

“Hindi po kayo makakalusot dahil lalo kaming mahigpit ngayon hindi lamang dahil sa pandemya kundi alam naming mayroong ilan na magsasamantala sa sistema ng 'paabot' sa aming mga pasilidad,” dagdag pa niya.

Nitong Hunyo, may natuklasan ding anim na sachet ng shabu na nakasilid naman sa loob ng isang basketball na hinagis sa compound ng Davao City Jail male dormitory.—AOL, GMA News