Nadakip sa Zambales ang 28-anyos na lalaki na nahaharap samga reklamong panggagahasa sa lima niyang pinsan na menor de edad sa Albay.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing most wanted sa Albay ang suspek dahil sa 12 counts of rape na kaniyang kinakaharap.

Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ng suspek ang panghahalay sa mga biktima sa magkakaibang pagkakataon na minsan ay sa mismong bahay nito.

ADVERTISEMENT

Nasa edad pito hanggang 13 ang mga biktima, ayon pa sa pulisya.

“Doon mismo sa loob ng bahay ng suspek ginagawa yung panghahalay at may pagkakataon din na kung minsan doon mismo sa loob ng bahay ng biktima ginagawa ng suspekt pinagsasamantalahan niya pagwala doon yung magulang at kapatid,” pahayag ni Police Captain Richard Asis, hepe ng Sta. Cruz, Zambales Police.

Hindi na itinanggi pa ng suspek ang paratang laban sa kaniya.

“Wala naman pong problema sa aking pagkakahuli tanggap ko naman ang aking kasalanan,” anang suspek.

Ayon kay Asis, posibleng isa sa mga dahilan kaya isinagawa ng suspek ang panghahalay ay ang pagkahumaling nito sa panonood ng pornographic movies.

“Ang factor na maaring nagtulak doon sa supect para gawin yung panghahalay ay yung pagkahilig niya sa panonood ng porn movies and then isusubject yung biktima na mga bata for counseling,” sabi ng opisyal. --FRJ, GMA News