Nananawagan ang mga magsasaka ng sibuyas sa Bayambang, Pangsinan na itaas ang presyo ng kanilang produkto na sobrang baba umano dahil sa mga imported na sibuyas.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing abala ngayon ang mga magsasaka sa pag-ani ng sibuyas para madala sa mga pamilihan.

Pero idinadaing nila na sobrang baba ng presyo ngayon ng sibuyas na umaabot lang sa P25-P30 ang isang kilo.

"Kawawa ang mga farmer kasi siyempre sa sobrang mahal ng abono, pataba, saka pang spra. Kaya kawawa ang mga farmers ngayon," sabi ng magsasakang si Helen Valenciano.

Pahayag naman ng isa pang magsasaka na si Marites Paca, "Sana marinig itong panawagan namin, na lahat kaming magsasaka na kahit itaas po ang presyo ng sibuyas. Dahil po kawawa po kami na farmers. Halos gabi at araw nandito na kami sa bukid para magtrabaho."

Pero paliwanag ng isang opisyal ng Department of Agriculture, pinapayagan lang ang importasyon ng sibuyas kung nagkukulang na ang suplay nito sa merkado.

Bumababa raw ang presyo ng sibuyas dahil sa mababa rin ang demand nito ngayon sa mga pamilihan.

"Hindi basta-basta nag-i-issue ng import permit kung walang basehan. At kung mag-issue man ng import permit ay sinusigurado ng ating departamento na pagdating dito sa Pilipinas ay hindi timing doon sa pag- harvest ng ating mga farmer, " paliwanag ni Director Nestor Domenden, DA-RFO1.

May nakahanda naman daw na technical assistance ang DA para sa mga magsasaka na apektado ng bagsak-presyo ng sibuyas. --FRJ, GMA News