Ibinida sa isang rabbit expo sa Vigan City, Ilocos Sur ang iba't ibang breed ng kuneho tulad ng teddy lionhead lop na mukhang asong Shih Tzu.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing ang expo ay isinagawa ng bagong tatag na Ilocos Sur Rabbit Raisers Association na ginawa sa Vigan Convention Center.
Layunin ng grupo na ipaalam sa publiko ang benepisyo ng pag-aalaga ng rabbit na maganda umanong stress reliever at puwede ring gawing negosyo.
Mayroon umanong dalawang uri ng rabbit na tinatawag na pet type o pang-alaga, at ang meat type, o para kainin ang karne.
Kabilang sa makikitang kuneho sa exhibit ang teddy lionhead lop at teddy lionhead ang breed na dala ni Jessica Lapid.
"Stress reliever namin 'to, hindi sila masyadong mahirap na alagaan. Tahimik lang sila, hindi sila nangangagat," ayon kay Jessica.
Ang isa pang echibitor na si Mark, dala ang kaniyang flemish giant breed na kuneho. May bigat itong anim na kilo at nagkakahalaga na raw ngayon ng P50,000.
Hindi kagaya ng ibang alagang hayop, hindi raw mahal ang gastusin sa pag-aalaga ng kuneho.
Ibinida rin sa expo ang iba't ibang luto sa karne ng rabbit tulad ng lechon, kilawin at kaldereta. -- FRJ, GMA News
