Nasawi ang isang 23-anyos na rider, habang sugatan ang kaniyang angkas matapos na sumalpok sa van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Sta. Barbara, Pangasinan. Ang driver ng van, nasa kostudiya ng pulisya.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang aksidente sa national road sa Barangay Banawang sa bayan ng Sta. Barbara.

Makikita sa kuha ng amateur video ang paglihis ng motorsiklo sa linya ng kalsada at masalpok ang kasalubong na passenger van.

Kinilala ang rider ng motorsiklo na si Jeric Nespiros, construction worker, at residente ng Barangay Anolid sa bayan ng Mangaldan. Sugatan naman ang kaniyang angkas.

Ayon kay Jacqueline na ina ng biktima, nagpaalam lang ang kaniyang anak na bibili ng pagkain. Pero nagpunta pala ito sa bahay ng kaniyang tiyuhin.

"Nag-usap po yung hipag ko, 'Wag mong paalisin yung pamangkin mo diyan kahit anong mangyari.  Diyan mo na lang patulungin baka sakaling malasing,'" kuwento ng ginang.

Pero hindi raw napigilan sa pag alis ang biktima at papunta sana ito sa isang kaibigan sa Urdaneta para kumuha ng aso at manok nang mangyari ang sakuna.

Maayos naman ang kalagayan ng driver ng van pero nasa kostudiya siya ng mga awtoridad.

Nakatakda umanong mag-usap ang driver ng van at mga kaanak ng biktima --FRJ, GMA News