Patay na nang matagpuan ang dalawang magkapatid na edad siyam at pito sa kanilang inuupahang kuwarto sa Davao City. Ang suspek, ang sarili nilang ama na hinihinalang nagpakamatay matapos gawin ang krimen.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang trahediya noong Linggo sa inuupahang kuwarto ng pamilya sa Barangay 39-D sa nasabing lungsod.
Nag-iwan pa ng mga sulat sa dingding ang suspek na si Fajarito Aragon, 56-anyos, para sa kaniyang kinakasama na Bername Dalangin, at sisihin ito sa nangyari sa kanila.
Napag-alaman na hiniwalayan ni Dalangin si Aragon dahil sa ginagawa nitong pananakit umano sa kaniya.
Ayon kay Dalangin, nagbanta raw noon si Aragon na papatayin ang kanilang anak kung hindi ito makikipagbalikan.
Sa galit ni Dalangin kay Aragon sa ginawa sa kanilang anak, hinampas niya ang bangkay ng suspek sa morgue.
Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng bata upang alamin kung nilason o sinakal ba ang mga biktima na dahilan ng kanilang pagkamatay. —FRJ, GMA News

