Arestado ang isang lalaki sa Laguna dahil umano sa paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act o Republic Act 9262, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Inaresto si Edman Burgos sa kaniyang bahay sa Sta. Rosa matapos ireklamo ng hindi pagbibigay ng sustento sa kaniyang dating asawa at tatlong anak.

Taong 2005 pa nang maghiwalay si Burgos at ang kaniyang asawa, ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, hepe ng Sta. Rosa Police. Taong 2012 nang huli silang magkita sa hearing sa korte.

Aminado si Burgos na simula 2020 ay hindi na siya nakapagbibigay ng sustento dahil nagretiro na siya noon sa pagiging technician. May iba na rin daw siyang pamilya na binubuhay ngayon.

Dagdag pa ni Burgos, humihingi ng mas malaking sustento ang dati niyang asawa na hindi na niya kayang ibigay.

Hindi rin daw niya alam kung bakit nagsampa pa ng reklamo ang dating asawa samantalang nagkasundo na raw sila hinggil sa hindi na niya pagbibigay ng sustento.  —KBK, GMA News