Napasabak sa matinding barilan ang mga tauhan ng Cotabato City Police Station 2 sa pagtugis nila sa grupong bumaril sa dalawang online gamer sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing sugatan matapos pagbabarilin sa labas ng bahay habang naglalaro sa Barangay Rosary Heights IX, ang mga biktimang sina Hubert Concepcion, 20-anyos, at Fritz Patagan, 29.
Mabilis na tumakas ang mga salarin na sakay ng motorsiklo. Isinugod naman sa ospital ang dalawa at isa sa kanila ang kritikal ang kondisyon.
Kaagad na nagsagawa ng pagtugis sa mga suspek ang mga tauhan ng Cotabato City Police Station 2, kasama ang station commander na si Major Elexon Bona.
Hindi kalayuan sa pinangyarihan ng pamamaril, isang grupo ng kalalakihan ang kanilang nakita. Pero papalapit pa lang ang mga pulis ay nagpaputok na rin ang mga suspek.
Dito na nagsimula ang palitan ng putok. Kabilang sa nasugatan si Bona at isang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala.
Makikita rin ang mga tama ng bala sa ilang sasakyan, pati na ang sasakyan ng mga awtoridad.
Sa isinagawang clearing operation, 17 katao ang inaresto kasama ang isang lalaki na may dalang baril na paglabag sa Election Gun ban.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang grupong nakabarilan ng mga pulis, ay sila ring bumaril sa dalawang online gamer.
Lumilitaw sa imbestigasyon na pustahan na aabot sa P50,000 ang motibo sa pamamaril sa dalawang biktima.
--FRJ, GMA News
