Dalawang tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang lalaki matapos siyang barilin ng mister ng babaeng nakarelasyon umano sa Ilocos Sur. Matapos ang krimen, tumakas ang suspek kasama ang kaniyang misis.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang 30-anyos na biktima na si Michael Angelo Balaroso, ng Zone 5, sa Bantay, Ilocos Sur.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing dumating sa inuupahang bahay ang biktima kasama ang kinakasama nito na itinago sa pangalang "Karen."

Pero bigla rin umanong dumating ang suspek na Ian Christian Carte, asawa ni Karen. 

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek, hanggang sa barilin na umano ni Carte si Balaroso.

Matapos ang krimen, nakita sa CCTV camera ang suspek na nakasakay sa motorsiklo kasama si Karen.

Naaresto ng mga awtoridad ang suspek habang patungo sa bayan ng Magsingal. Nakuha sa kaniya ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Ayon kay Police Major Pol Areola, OIC ng Bantay Police Station, may tama rin ng bala sa kamay si Carte na galing din sa baril ng suspek kaya dinala siya sa ospital.

Tumangging magbigay ng pahayag si Carte, pero inamin ni Karen na nakarelasyon niya ang biktima.

Nais naman ng mga kaanak ng biktima na mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Balaroso. --FRJ, GMA News