Pangarap ng bawat magulang ang masilayan ang kanilang anak na makatapos ng pag-aaral at makapagmartsa sa kanilang graduation.

Sa Koronadal City, isang ama ang umatend ng graduation march bitbit ang standee ng pumanaw na anak.

Sa video na iniulat ng "State of the Nation" nitong Biyernes, makikitang hawak ni Felipe ang standee ng kanyang anak na si Mark na nakapagtapos ng Bachelor of Arts in English, kasama ang iba pang graduates.

Hindi na umabot si Mark sa kanyang graduation matapos pumanaw dahil sa asthma.

Ang standee ay gawa ng mga kaibigan ni Mark, na nakapagsabi na gustong umatend ng graduation kasama ang kanyang ama.

Pinayagan naman ng paaralan na dalhin ni Felipe ang standee ng kanyang anak bilang simbolo ng pangarap at pagmamahal ng mag-ama. —Richa Noriega/VBL, GMA News