Nasawi ang hepe ng Lian Municipal Police Station sa Batangas matapos makasalpukan ng minamaneho niyang sasakyan ang isang ten-wheeler truck sa Taal, Batangas nitong Miyerkules.

Sa ulat ng Police Regional Office 4A, kinilala ang biktima na si Police Major Amiel Bernardo Sanhi Jr.

ADVERTISEMENT

Papunta umano si Sanhi sa Batangas City nang makasalpukan nito ang truck sa Barangay Tulo sa Taal dakong 12:50 a.m.

Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan si Sanhi at idineklarang dead on arrival nang dalhin sa Batangas Provincial Hospital.

Nakilala naman ang driver ng truck na si Salvador Segfred.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.—FRJ, GMA News