Nagbabala si Baguio City Mayor Benjamin Magalong laban sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) at pati na mga truck na huwag maging dugyot kapag pumaparada sa lay-bys ng lungsod.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, hindi naitago ni Magalong ang inis dahil naging mapanghi at marumi ang mga lay-by, o inilaan na paradahan ng lungsod para sa mga driver.

"Nandun yung mga jeepney, nandun yung mga van, pag-alis parang basura. Tapos ang paghi-panghi pa. Kaya wina-warningan ko sila, this will be the first and last warning, we can no longer tolerate it," anang alkalde.

Una rito, nakatanggap ng mga reklamo ang lokal na pamahalaan tungkol sa marumi at mapanghing lay-bys sa lungod.

Ayon kay Magalong, kung hindi tatalima ang mga driver sa kaniyang babala ay posibleng maapektuhan umano ang ruta o biyahe ng mga ito.

"Doon sila sa mag-park sa Kennon Road, o mag-park sila diyan sa Marcos highway o sa Naguilian, not in the city of Baguio," sabi ng alkalde.

Babantayan daw ng pulisya ang mga lay-by sa lungsod dahil dito.

Ayon sa ulat, ang lay-bys ay itinalaga para may paradahan ang truck na inabutan ng truck ban paakyat ng lungsod.--FRJ, GMA News