Isang babae sa Davao City ang pinatay ng kaniyang nobyo sa sakal matapos umanong umatras ito sa kanilang kasal.

Sa ulat sa GMA News "24 Oras" ni Jaycel Villacorte ng Super Radyo Davao, kinilala ang biktima na si Joan Balabagan Lintang, na nakita ang bangkay sa banyo ng isang inn.

Hindi naman kinaya ng suspek na si Maliry Bitil Gumanan ang pag-usig ng konsensiya at sumuko kinalaunan matapos gawin ang krimen.

Ayon sa imbestigasyon ng Davao Police Office, pumasok ang magkasintahan sa isang inn sa C.M. Recto sa Barangay 35-D noong June 26.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa nang umatras sa kasal ang babae. Sa galit ng lalaki, sinakal niya ang biktima hanggang sa mamatay.

Itinago ng suspek ang bangkay ng biktima sa banyo bago tumakas. Pero kinalaunan ay sumuko ang suspek sa mga awtoridad sa Magsaysay Municipal Police Station (MMPS).

Nahaharap si Gumanan sa kasong homicide pero hindi siya nagbigay ng pahayag. -- FRJ, GMA News