Walong katao--kabilang ang isang mag-asawa at kanilang sanggol na anak-- ang nasawi matapos araruhin ng isang truck ang sinasakyan nilang SUV sa Nasugbu, Batangas. Isang motorsiklo rin ang nadamay. 

Sa ulat ni Adrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, makikita na wasak ang SUV matapos na makaladkad ng truck sa Tagaytay-Nasugbu road sa Barangay Aga sa Nasugbo, kaninang madaling araw.

ADVERTISEMENT

Wasak din ang unahang bahagi ng truck na tumagilid at may kargang mga buhangin. Nawalan umano ng preno ang truck hanggang sa mabangga na ang SUV at motorsiklo.

Nasawi ang pitong sakay ng SUV, kabilang ang isang apat na buwang sanggol, at ang kaniyang mga magulang. Nasawi rin ang rider ng motorsiklo.

Nakaligtas naman ang driver at dalawang pahinante ng truck.

Ayon sa isang kaanak ng mga sakay sa SUV, nagbakasyon lang sa Calatagan ang mag-asawa ang kanilang anak. Ihahatid na sila pauwi sa Maynila nang mangyari ang trahediya.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng truck na humingi ng paumanhin sa nangyari. Mahaharap siya kaukulang mga kaso. --FRJ, GMA News