Hinahangaan ang isang limang taong gulang na lalaki sa Ilocos Norte dahil sa talas ng kaniyang pag-iisip, na kabisado ang periodic table of elements at speech ni Abraham Lincoln.

Sa GMA Regional TV Balitang Amianan, na iniulat din sa Unang Balita nitong Miyerkules, makikita sa video ni Lorlyn Lazaro na kayang pangalanan ni Liam Llanes ang mga elemento mula sa mga simbolo sa periodic table.

Kabisado rin ni Liam ang iba't ibang planeta.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Lorlyn, ipinakita na ni Liam ang kaniyang interes sa maraming bagay sa edad tatlong taon kaya maaga niya itong tinuruan.

Kabisado ni Liam maging ang Gettysburg Address na speech ni dating US President Abraham Lincoln.

Ibinida rin ni Liam ang galing niya sa pagtatalumpati sa isang programa.

Hilig din ng bata ang musika at sports tulad ng swimming.

Ayon kay Liam, pangarap niyang maging isang piloto at doktor. —LBG, GMA News