Isang patay na Megamouth Shark ang nakitang palutang-lutang sa dalampasigan sa Mambajao, Camiguin. Itinuturing pambihira ang naturang mga dambuhalang isda dahil karaniwang sa malalim na bahagi lang ng dagat sila nakikita.

Sa programang "Born to be Wild," sinabing nakita ng mga tao ang patay na malaking isda noong umaga ng Hulyo 31.

Ayon sa provincial fisheries officer ng Camiguin, wala silang nakitang sugat sa katawan ng pating.

Pero hindi na nalaman pa ang tunay na dahilan ng ikinamatay nito dahil hindi nagsagawa ng necropsy ang lokal na pamahalaan. Idiniretso na raw sa libing ang pating sa isang landfill.

Ayon kay Doc. Ferds Recio, host ng programa, makatutulong sana ang necropsy para matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng isang hayop.

Nakapagsagawa si Doc. Recio ng necropsy sa isa ring Megamouth shark na napadpad sa Bicol noong 2015.

Nakitang malusog ang intestinal organs ng Megamouth shark kaya nagdesisyon noon ang local fisheries office na ipreserba ang katawan nito.

Isa ang Megamouth sharks sa mga pinakapambihirang pating sa buong mundo, na nakatira sa malalim na bahagi ng karagatan na aabot ng 15,000 talampakan.

Sa ngayon, data deficient o kulang pa sa impormasyon ang conservation status ng Megamouth sharks.

Karaniwang dahilan kung bakit napapadpad sa baybayin ang mga Megamouth Shark ang paghahanap ng pagkain. --Jamil Santos/FRJ, GMA News