Masuwerteng nakaligtas sa matinding sakuna ang isang babaeng nalalakad sa bangketa matapos salpukin ng isang 10-wheeler ang tatlong sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Bulacan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang paglalakad ng babae sa bangketa sa McArthur highway sa bahagi ng Malolos, Bulacan.

Maya-maya lang, sinalpok na ng truck ang isang kotse na nakaparada sa gilid ng kalsada.

ADVERTISEMENT

Mabuti na lang at nakailag ang babae sa kotse na nakaladkad ng truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, halos madurog ang kotse. Nadamay din ang isang van at isang coaster.

Mapalad na walang nasaktan sa naturang sakuna.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nakatulog umano ang driver ng truck dahil masama ang pakiramdam.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang driver, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News