Nasawi ang isang tricycle driver matapos siyang bumangga sa kasalubong na motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan. Sa nahuli-cam na insidente, nawala sa tamang linya ng kalsada ang tricycle at tumagilid matapos masagi ng isang SUV na hindi tumigil sa kabila nang nangyari.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Bued na may delivery truck at umaatras habang nasa outer lane.

Maya-maya pa, dumating ang tricycle na minamaneho ng biktima, at halos kasabayan niya ang SUV na nagtangka na mag-overtake.

Pero nasagi ng SUV ang tricycle na dahilan para mawalan ito ng kontrol ang huli at napunta sa kabilang linya nang kalsada.

ADVERTISEMENT

Sa kasamaang-palad, may paparating na motorsiklo na tumama sa mismong driver ng tricycle na halos mahulog noon dahil sa pagkakasagi sa kaniya ng SUV.

Nasawi ang tricycle driver na napag-alaman na residente ng Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan City.

Nasugatan naman ang rider na kinilalang si Julius De Nieva.

Ayon sa isang opisyal ng barangay, hindi tumigil ang driver ng SUV sa kabila ng nangyaring aksidente.

“Dumaan siya sa gilid, hindi siya nag-menor at dire-diretso na siya, bigla niyang iniwan ang mga naaksidente,” ayon kay barangay kagawad Marcial Perreras.

Nakita naman sa CCTV footage ang plaka ng SUV at natunton sa Urdaneta City sa isinagawang follow-up operation.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng SUV, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News