Nasawi ang dating vice mayor ng Lobo, Batangas at kasalukuyang Sangguniang Bayan Secretary matapos siyang barilin nang malapitan habang nagtatalumpati sa party.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Romeo Sulit.

Ayon sa pulisya, nagtatalumpati si Sulit sa isang party sa Barangay Tayuman nang lapitan siya ng gunman at binaril sa ulo.

ADVERTISEMENT

Nakatakas ang gunman na pinaniniwalaang may kasamang lookout sakay ng motorsiklo.

Isinugod naman sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Habang nagsasagawa ng operasyon ang mga pulis sa pagtugis sa mga salarin, isang motorsiklo ang nakitang inabandona sa isang lugar. Pero hindi pa malinaw kung ito ang ginamit ng mga salarin sa pagtakas.

Napag-alaman na siyam na taon naging bise alkalde ng Lobo si Sulit, at ngayon ay nagsisilbing Sangguniang Bayan Secretary.

Wala umanong nababalitaan ang kaanak ng biktima na may kaaway ito o nakagalit para gawin sa kaniya ang karumal-dumal na krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga salarin.--FRJ, GMA News