May natagpuang kalansay ang mga awtoridad at inaalaman na ang pagkakakilanlan nito. Kasamang nakita sa mga labi ang gamit ni Jovelyn Galleno, ang babaeng ilang linggo nang nawawala sa  Puerto Princesa City sa Palawan.

Sa ulat ni Jun Fred Canaba’ sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nakita ang kalansay sa Barangay Sta. Lourdes sa nasabing lungsod.

FINDING JOVELYN: 22-anyos na babae sa Palawan, 1 linggo nang nawawala

Kasama sa mga labi ang bag, cellphone, at ilang identification cards ng 22-anyos na si Galleno, na dalawang linggo nang hinahanap.

Kinumpirma umano ng mga kaanak ni Galleno na sa dalaga nga ang mga nakitang gamit.

 

 

Isasailalim naman sa DNA test ang nakitang mga labi upang alamin kung ito nga si Galleno.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pamilya ni Galleno habang hinihintay nila ang resulta ng DNA test.

Matatandaan na nawala si Galleno noong August 5 matapos na pumasok sa kaniyang pinagtatrabahuhang boutique sa loob ng isang mall sa Puerto Princesa City. —FRJ, GMA News