Malaking palaisipan ang pagkawala ng 22-anyos na si Jovelyn Galleno matapos ang kaniyang trabaho sa isang tindahan na nasa loob ng isang mall sa Puerto Princesa, Palawan. 

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing gabi noong August 5 nang biglang maglaho na parang bula si Jovelyn.

Kuwento ng kaniyang kapatid, nagawa pang mag-text sa kaniya si Jovelyn noong Aug. 5 dakong 6:38 pm at nagtanong kung ano ang ulam sa bahay.

Sinabi rin daw ni Jovelyn sa text na hindi siya napasahod ng kaniyang maam.

Iyon na ang huling text message sa kanila ni Jovelyn. Pagkaraan pa ng ilang oras, hindi na nila makontak ang dalaga.

Dahil hindi iyon karaniwang ginagawa ng dalaga, kaagad nilang pinuntahan ang mall pero sarado na ito. Nang tawagan nila ang cellphone ni Jovelyn, tinanggap nito ang tawag pero walang sumagot. Kaya lalo silang nag-aalala.

Bukod sa pagpapa-blotter sa barangay sa pagkawala ni Jovelyn, humingi rin ng tulong ang pamilya sa pulisya para mahanap ang dalaga.

Ang kuha ng mga CCTV camera sa mall ang inaasahang makatutulong upang malaman kung ano ang posibleng nangyari sa kaniya.

Nakaalis na kaya ng mall si Jovelyn nang nawala siya? Saan nga kaya posibleng napunta ang dalaga? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA News