Halos madurog ang puso ng isang magsasaka nang makita ang kalunos-lunos na hitsura ng kaniyang alagang baka na kinatay ng mga kawatan at tinangay ang kalahati ng katawan sa San Jose City, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One North Central Luzon," sinabi ng nagsasaka na si Cesario Godoy na nakatali ang kaniyang baka na sampung-buwang-gulang pa lang sa isang bakanteng lote sa Barangay Sto Nino III.

Hinahatiran niya ng pagkaing damo ang alaga sa umaga at hapon.

Pero nakita niya na lang ang kaniyang alaga na wala na parte ng tiyan hanggang sa binti.

Iniulat niya sa barangay ang insidente para maaksyunan at mabigyan ng babala ang iba.

"Makita at mabalaan din ang yung mga kasama kong kapuwa nag-aalaga ng baka para ingatan nila yung ganilang alaga," sabi ni Godoy.--FRJ, GMA News