Isang lalaki na naglalakad sa gilid ng kalsada ang sapilitan umanong isinakay ng mga suspek sa puting van sa Cuenca, Batangas

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, ipinakita ang kuha ng video sa pagdukot sa biktimang si Remdzen Sison, 32-anyos.

Nangyari ang insidente nitong Lunes, dakong 8:00 pm sa Barangay Poblacion Uno. Madidinig sa video ang boses na may humihingi ng tulong.

Kaagad umanong nagtungo sa pulisya ang nakakita sa insidente para ireport ang insidente. Gayunman, wala na ang van at biktima nang dumating ang mga awtoridad sa lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nagtungo ang puting van sa direksyon ng San Jose, Batangas.

Nasa apat hanggang lima ang suspek na nakasuot umano ng bonnet. Bineberipika ang nakitang plaka na nakalagay sa van.

Inaalam din ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pagdukot sa biktima. Kabilang na rito ang anggulo ng ilegal na droga.

Samantala, sa ipinadalang mensahe ng pamilya ng biktima, sinabing magbibigay na lang sila ng pahayag kapag may bago nang impormasyon tungkol sa nangyari.--FRJ, GMA News