Natumba sa daan isang babaeng rider at angkas nitong menor de edad matapos silang salpukin mula sa likuran ng isang kotse sa Pagadian City. Ang driver ng kotse, tumakas at may iba pang nabangga.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa CCTV na halos nakadikit na ang kotse sa likuran ng motorsiklo habang umaarangkada.

Ilang saglit pa, bumangga na ito sa motorsiklo kaya nasubsob ang mga biktimang sakay nito.

ADVERTISEMENT

Agad namang tinulungan ng mga nakasaksi ang mga biktima at kinompronta ang mga sakay ng kotse.

Pero sa halip na bumaba at makipag-usap, umalis kaagad ang kotse.

Habang tumatakas umano ang kotse, nabundol naman nito ang isang tricycle.

Ilang saglit pa, nakabangga rin ito ng isang pickup truck.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga sakay ng nakabanggang kotse para masampahan ng reklamo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News