Nasawi ang isang magsasaka matapos siyang pagbabarilin sa San Francisco, Quezon. Ang suspek, ang nakababatang kapatid ng biktima.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Michael Yare, 39-anyos.

Ayon sa pulisya, pauwi na galing sa panghuhuli ng ibon at hipon si Yare kasama ang anak noong Huwebes ng gabi, nang pagbabarilin ang biktima sa  Barangay Don Juan Vercelos.

Tumakas ang suspek na kinilalang si Melencio, nakababatang kapatid ni Michael.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulis na dati nang may alitan ang magkapatid.

Hinihinalang ang away sa hatian ng lupa ang ugat ng krimen.

Sa hot pursuit operation, nadakip ng mga awtoridad si Melencio. Desidido umano ang mga kaanak ng biktima na sampahan siya ng kaso.

Sinisikap naman na makuhanan ng pahayag ang suspek at ang kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News