Dead on the spot ang isang construction worker nang masabugan ng acetylene tank na ginagamit umanong pamutol ng bakal sa ginagawang parking area sa bayan ng Trece Martires, Cavite.

Iniulat ng Unang Balita nitong Huwebes na nangyari ang insidente sa Barangay Gregorio, Trece Martires City.

Kinilala ang biktima na si Eddie Boy Villar. Sugatan naman ang tatlo niyang kasamahan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, tila hindi na-regulate ang buga ng gas sa ginamit na LPG tank para acetylene kaya ito sumabog.

Sa lakas ng pagsabog, nabasag ang mga salamin ng katabing command center building at isa pang gusali.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —LBG, GMA Integrated News