Sugatan ang isang lalaki matapos siyang saksakin sa ulo sa rambulan na nagsimula raw sa pangti-trip ng isang grupo ng mga kalalakihan sa New Washington, Aklan.

Sa ulat sa “Unang Balita” nitong Miyerkoles na mula sa GMA Regional TV One Western Visayas, kinilala ang biktima na si Sherwin Dela Cruz habang tinukoy naman ng mga awtoridad ang suspek na si Joseph Masinda.

Nangyari ang rambol sa Barangay Tambak nitong Martes ng madaling-araw.

Sa isang video, makikita ang grupo ng biktima at suspek na nagsusuntukan, habulan at batuhan.

ADVERTISEMENT

Sapul rin sa video ang paghataw ng bote sa ulo ng isang lalaki sa isa pang lalaki.

Maya-maya pa, makikitang tumabi sa gilid si Dela Cruz dahil nasaksak na pala siya at nakabaon pa ang patalim sa kanyang ulo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-tripan umano ng grupo ng suspek ang grupo ng biktima.

Matapos ang rambol tumakas si Masinda at ang apat pa niyang kasamahan pero nadakip sila ng mga awtoridad kalaunan.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide si Masinda habang kasong alarm and scandal naman ang isinampa laban sa mga kasamahan niya. 

Wala silang naging pahayag ukol sa insidente.

Sa ngayon, nagpapagaling na sa ospital si Dela Cruz matapos operahan, ayon pa sa ulat. — Mel Matthew Doctor/RSJ, GMA Integrated News