Hindi bababa sa limang butanding o whale shark ang namataan sa Ragay Gulf na sakop ng bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.

Animo'y naglalaro ang mga butanding at nakikipaghabulan sa mga isda.

May mga pagkakataon rin na lumalapit ito sa mga mangingisdang nasa bangka.

Noong Biyernes pa nakita sa lugar ang mga butanding at ayon sa mga residente sa lugar ay hindi pa umaalis ang mga ito sa kasalukuyan.

Minomonitor na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources - Del Gallego ang mga butanding upang hindi magambala ang mga ito at hindi pumasok sa mga fish pen sa lugar.

Nakikiusap din ang BFAR sa mga mangingisda na huwag lalapitan ang mga butanding upang hindi sila ma-stress.

Posible raw na maraming nakakain sa lugar ang mga butanding, dahilan upang mamalagi ang mga ito. —KG, GMA Integrated News