Inaresto ng mga awtoridad ang halos 300 na katao sa Central Visayas dahil umano sa pagkakasangkot sa iligal na operasyon ng e-sabong, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Linggo.

Batay sa ulat ng Philippine National Police Central Visayas, nahuli ang mga sangkot sa iligal na e-sabong matapos ang mga ikinasang operasyon ng mga pulisya mula December 5 – 10, 2022.

Sinabi ni Police Regional Office-7 director Police Brigadier General Augustus Alba na sa 283 indibidwal na nahuli, 273 ang pawang mga tumataya, tatlong teller, dalawang kristo, at dalawang operator ng e-sabong.

Nakumpiska naman sa kabuuang operasyon ang mahigit P155,000 na pusta, walong computers, 52 cellphones.

Samantala, umabot sa 109 katao pa lamang ang kinasuhan ng mga awtoridad. — DVM, GMA Integrated News