Hindi akalain ng mga Boy Scout ng isang remote barangay sa Zamboanga City na makakasakay sila noong Sabado sa isang Black Hawk helicopter ng Philippine Air Force (PAF).

Ayon kay Brigadier General Dennis Estrella, commander ng Tactical Operations Wing, Western Mindanao ng PAF, nagsagawa ang kanyang grupo ng gift giving mission sa isang liblib na barangay sa Zamboanga City, ang Barangay Bunguiao.

Isang guro raw ang lumapit sa kanya at humingi ng tulong na maihatid sa sentro ng siyudad ang mga Boy Scout upang dumalo sa isang programa. May sasalihan daw na isang contest ang mga bata.

Malayo sa sentro ng Zamboanga ang barangay at hindi maayos ang daan.

Ang hiling ng guro ay makasakay sa military truck ang mga batang scout.

Dahil nga malayo ang Barangay Bunguiao ay nagpasya si Estrella na sunduin ang mga Boy Scout ng kanilang Black Hawk helicopter.

Hindi raw makapaniwala ang mga batang scout nang lumapag na sa kanilang lugar ang helicopter at isa-isa silang pasakayin.

 

Pinasakay ang mga Boy Scout sa Black Hawk helicopter ng Philippine Air Force nitong Sabado, Disyembre 10, 2022. Photo courtesy: TOW Western Mindanao

 

Wala raw mapaglagyan ng kasiyahan ang mga batang scout dahil hindi nila akalain na makakasakay sila sa isang Black Hawk helicopter. Ito rin daw ang unang pagkakataon na makarating sa sentro ng Zamboanga ang mga bata.

Pagbaba ng helicopter sa airbase ay isinama ng grupo ni Estrella ang mga batang scout sa kanilang tanggapan at ipinasyal pa. Nagkaroon rin sila ng masayang salo-salo at tumanggap ang mga bata ng regalo mula sa PAF.

Ayon pa kay Estrella, ang simpleng kasiyahan na naibigay nila sa mga bata ay hindi matatawaran. Nawa raw ay magsilbing inspirasyon sa mga batang scout ang kanilang ginawa upang sila ay magsikap sa buhay at maging huwarang mamamayan.

Samantala, matapos ang pagsakay nila sa chopper at pagpasyal sa PAF ay nanalo ang mga Boy Scout sa contest na kanilang sinalihan sa Zamboanga City. —KG, GMA Integrated News