Natangay ang perang nagkakahalaga ng P300,000 matapos baklasin ng mga suspek ang isang automated teller machine sa loob ng isang supermarket sa Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa "24 Oras", nakatakip ang mga mukha ng suspek na hinalughog ang supermaket ng limang oras mula gabi ng December 22 hanggang madaling araw ng December 23, ayon sa mga imbestigador.

Sarado ang loob ng supermarket kaya hanggang labas lang ang inikutan ng mga walang kamalay-malay na mga guwardya.

Pwersahan binuksan ng mga suspek ang cash register ngunit wala silang nakuha dahil wala itong laman.

Pinuntirya ng ibang suspek ang ATM sa loob na hindi nakuhanan ng CCTV video habang may suspek na nagbubukas ng cash register.

Nilipat ng mga suspek ang pwesto ng ATM upang hindi marinig ng mga guwardya sa labas habang binabaklas nila.

Nasa P300,000 ang nakuha nila sa ATM, ayon sa pulis.

“Binuhat lang nila kasi magaan lang naman iyon, maliit lang yun at hindi naka-vault, yung ATM supposedly dapat nakavault yun eh hindi nakavault. Madali talagang kuhanin at ilipat,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Sta. Rosa, Laguna Police Station.

Naka-sentro ngayon sa apat na persons of interest ang Sta. Rosa City Police Station, na sila raw ang nakita ng mga guwardya na nagtatanong tanong sa paligid ilang araw bago mangyari ang insidente.

“Itong tinitignan natin na nagtutugma sa mga witness natin ay mayroon na itong kaso noong 2019, ganun din robbery rin yung kanilang kaso,” ayon kay Sabulao.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, napagaralan mabuti raw ng mga suspect kung papaano isasagawa ang pagnanakaw.

Ang mga suspek ay dumaan sa likurang bahagi ng supermarket at binutasan ang pader.

“Base doon sa aming backtracking ay hinatid ito doon sa area sa may likod ng bakanteng lote at naglakad lang itong mga ito paisa-isa,” ayon kay Sabulao. —Richa Noriega/NB, GMA Integrated News