Patay ang isang magsasaka sa San Narciso, Quezon matapos pagbabarilin ng kanyang kapitbahay.

Sa report ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, na iniulat din ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing patay ang biktimang si Gerry Revener matapos siyang pagbabarilin  ng suspek na kinilalang si Joel Balote. 

Ayon sa ulat, pauwi na ang biktima kasama ang kanyang tatay nang mangyari ang pamamaril ng Barangay Bani sa bayan ng San Narciso.

"Naglalakad sila pauwi ng bahay at napadaan sila dito sa bahay ng suspek. Medyo parang nagkasagutan sila nu'ng pagdaan doon, nabaril itong si Gerry Lopez Revener," pahayag ni Police Maj. Eric Veluz, hepe ng San Narciso Police Station.

Batay sa imbestigasyon, may alitan ang suspek at ang tatay ng biktima.

Ninakaw umano ng tatay ni Gerry ang manok ng suspek at kinatay.

Dahil umano sa sama ng loob ng suspek, inabangan niya ang mag-ama.

Sa tiyan napuruhan si Gerry nang paputukan ng suspek gamit ang improvised shotgun.

Patuloy na tinutugis ng mga pulis ang suspek na umalis agad matapos ang krimen.

Sinisikap pa ng GMA News Southern Tagalog na makuha ang panig ng pamilya ng biktima. —LBG, GMA Integrated News