Nasawi ang isang lalaki sa Tanauan City, Batangas matapos umanong barilin ng isang dating konsehal na sumita sa kaniya dahil sa maingay daw niyang motorsiklo.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Francis Daclis.

ADVERTISEMENT

Lumabas sa imbestigasyon na naka-open muffler ang motorsiklo kaya maingay ito kapag pinatatakbo ng biktima.

Kinilala ang suspek na si Samuel Platon, na dating konsehal ng Tanauan, ayon sa pulisya.

Pinahinto umano ng suspek ang biktima para sitahin, ngunit humantong ito sa away at suntukan, hanggang sa bumunot na umano ng baril si Platon at pinaputukan sa mukha si Daclis.

Nakaligtas ang angkas na kapatid ng biktima nang tumakbo ito palayo.

Patuloy na tinutugis si Platon. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News