Walang saplot pang-ibaba at may unan sa mukha nang makita ang bangkay ng isang babae sa loob ng kaniyang bahay sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Lizandra Mamaril, 57-anyos, residente ng Barangay Bonuan Gueset.

Nitong nakaraang Enero 11 nang makita ang kaniyang labi sa loob ng kaniyang kuwarto. Ayon sa pulisya, may nakita ring mga sugat sa ulo ng biktima.

Sinabi ni Police Leiutenant Colonel Vicente Castor Jr., hepe ng Dagupan City Police Station, indikasyon ng pagpalo ang tinamong mga sugat sa ulo ng biktima.

Hindi umano nila inaalis ang posibilidad na pinagsamantalahan ang biktima dahil sa kalagayan ng bangkay nang matagpuan.

Mag-isa lang umano sa bahay ang biktima nang mangyari ang krimen dahil umalis ng bahay noong Enero 10 ang asawa nito para magtrabaho.

Wala naman umanong nawawala sa mga gamit sa bahay maliban sa cellphone ng biktima.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya pero mayroon na umano silang person of interest sa kaso.

Samantala, tumanggi na munang magbigay ng pahayag sa ngayon ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News