Dinakip ng mga awtoridad ang isang barangay tanod sa Mangaldan, Pangasinan dahil sa pananaksak niya sa isang lalaki. Paliwanag naman ng suspek, lasing at binully umano siya ng biktima.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," kinilala ang suspek na si Jesus Navarro, 56-anyos.

Nakaratay naman sa ospital ang biktima dahil sa tinamong isang saksak sa tagiliran.

Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Benjamin Zarate Jr., hepe ng Mangaldan Police Station, nagpapahinga umano ang suspek sa Barangay Nibaliw, nang dumating suspek na lasing umano at maingay sakay ng motorsiklo.

Sinita umano ng suspek ang biktima na nauwi sa pagtatalo hanggang sa umabot sa pananaksak ng tanod sa biktima.

Ayon pa kay Zarate, sinabi rin ng suspek na muntik siyang masagasaan ng biktima at binully umano siya.

"Binully pa niya kasi matanda yung barangay tanod siguro parang sa pagkakaalam nung biktima natin kayang-kaya niya," anang opisyal.

Tumangging nang magbigay ng pahayag ang tanod na mahaharap sa reklamong frustrated homicide.

Pero balak din umano ng tanod na sampahan ng reklamo ang biktima. --FRJ, GMA Integrated News