Nagpakilala umanong mga pulis ang mga suspek na nakita sa video na sapilitang isinasakay sa kotse ang magkasintahang development workers na nahuli-cam sa Cebu City kamakailan. Ang mga biktima, "pinalaya" raw matapos na mag-viral ang video. Aalamin naman ng Philippine National Police (PNP) ang katotohanan sa nangyari at tutulong din ang National Bureau of Investigation (NBI).

Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak na ipinalabas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ng mga biktima na sina Armand Dayoha at Dyan Gumanao.

Galing umano ang dalawa sa bakasyon sa Mindanao at sapilitang silang isinakay ng mga suspek sa kotse habang nasa pier ng Cebu City noong umaga ng Enero 10.

Sa nag-viral na video, madidinig ang hiyawan habang pilit itinutulak ng mga suspek ang dalawa papasok sa sasakyan.

Hindi na nakita sa video pero sinabi ng grupong Karapatan, na nakuha umano ang mga suspek ang dalawang biktima.

“Ibinlindfold sila, inikot-ikot sila ngunit definitely, dinala sila somewhere else, hindi sa lugar na kung saan sila namin nakuha,” saad ni Karapatan Central Visayas spokesman Dennis Abarientos.

Sabi ng grupo na pina-blotter nila at insidente at ipinakalat ang video.

Pagkaraan ng limang araw, natagpuan ang mga biktima sa bayan ng Carmen sa Cebu nitong Linggo, mahigit 41 kilometro mula sa Cebu City.

Paniwala ng mga magulang ng dalawa, pinakawalan ang mga biktima dahil sa nag-viral na umano ang video.

Ayon sa ama ni Dyan na si Danilo Gumanao, sinabi ng kaniyang anak na nagpakilala umano na mga pulis ang mga dumukot sa kanila.

“’Yung sinapit nina Dyan at Arman, sobrang sakit. Paano ba ang mga pulisya ng gobyerno? Kasi nagpakilala ‘yung mga dumukot sa kanila na pulis sila,” giit ni Danilo.

“Ano ba ‘yung batas? Kung nakita naman nila na nag-violate ang mga bata, kung may kasalanan man sila, meron tayong rule of law. Bakit hindi sila arestuhin at sampahan ng kaso,” diin pa niya. 

Dismayado rin ang kaanak ng dalawa dahil sa kawalan umano ng aksyon ng mga awtoridad sa nangyari, na naganap sa mataong lugar.

Sumasailalim umano sina Dyan at Armand sa medical intervention matapos umanong ma-trauma.

Samantala, pinaiimbestigahan na umano ng Police Regional Office 7 (PRO-7) ang insidente.

“The instruction of RD [regional director] na mag-reach out sa family and sa dalawa para they could narrate. Then we are going to file charges if identified and perpetrators, if there was really abduction,” ayon kay PRO-7 spokesperson Police Lieutenant Colonel Gerard Ace Pelare.

Ayon pa sa pulisya, hindi pa nila itinuturing pagdukot ang insidente dahil kailangan pa nilang suriin ang video, na makakatulong daw sa imbestigasyon.

“Of course. The intention of PRO-7 is to really solve this case. We are taking this case highly, very important and very urgent to solve. But we need cooperation of all the parties. We will assure them they are safe,” ani Pelare.

“Sa allegation na mga pulis po ang involved dito, kasama po ‘yan at bahagi po ‘yan ng ating gagawing investigation,” dagdag naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tutulong din sila sa imbestigasyon.

“Ang NBI (National Bureau of Investigation) naman basta may ganyang notice, we will inform them. I can ask the NBI Cebu to look at the matter,” ani Remulla.

Pinapasilip na rin ng Cebu Port Authority sa kanilang security department ang kanilang mga CCTV footage sa pantalan at sinabing makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News