Nahuli sa video ang pamamaril ng isang pulis sa isang mag-asawa sa Butuan City. Dead on the spot ang mga biktima.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, makikita sa video na nakuha ng GMA Regional TV One Mindanao mula sa Butuan City PNP, ang pagdating ng isang sasakyan sa tapat ng isang bahay at ang pagsulpot ng isang pulis.

Paglabas ng sasakyan ng dalawang babae, agad na binaril ng suspek ang asawa ng isa sa mga babae na nasa loob pa ng sasakayan. Sunod namang binaril ng salarin ang ng asawang babae.

Kinilala ang biktimang mag-asawa na sina Charlie at Mary Anne Añasco, na dead-on-the-spot sa pamamaril.

Kinilala ang suspect na si Police Staff Master Sergeant Darwin Plaza Nolasco.

Ayon sa pulisya, galit at selos ang isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen.

Arestado na ang suspek at narekober ang baril na ginamit sa krimen.

Kinasuhan na ng murder si Nolasco. Hindi pa siya nagbigay ng pahayag. —LBG, GMA Integrated News