Patay ang isang tricycle driver matapos na sumalpok ang kaniyang sasakyan sa kasalubong na truck sa Mariveles, Bataan. Ang biktima, nag-overtake umano sa isa ring tricycle.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jun Santos, residente sa lugar sa Barangay Locanin.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang pag-overtake ng biktima at napunta sa bahagi ng linya ng kasalubong na truck kaya nagsalpukan ang dalawa.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima.

Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng truck na sinampahan ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

Sinabi ng kaanak ng biktima na papunta sana si Santos sa palengke nang mangyari ang insidente.

Nakatakda umanong mag-usap ang kaanak ng biktima at ang driver ng truck.

"Wala namang may kagustuhan nu'n. May family din yung driver, naiyak nga siya sa akin na hindi kagustuhan ang nangyari. Ganoon na lang ang magiging sistema na tulungan na lang kami," ayon sa kaanak ng biktima na si Caesar Gregorio.

Samantala, wala pang pahayag ang driver ng truck, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News