Dinakip ang isang 62-anyos na lalaking dating miyembro ng Philippine Marines at most wanted sa Western Visayas matapos niyang gahasain umano ang kaniyang menor de edad na pamangkin noong 2020.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing Mayo 2020 nang mangyari ang krimen sa Pototan, Iloilo, pero natunton na siya ng Iloilo Police sa Cabuyao, Laguna.

Depensa ng suspek, hindi siya nagtago dahil hindi niya alam na may kinahaharap siyang kaso, at pinabulaanan niyang hinalay niya ang kaniyang pamangkin.

“Na-set up lang ako riyan, pamangkin ko ‘yun eh. Sa bahay lang nakatira eh, silang mag-ama,” sabi ng suspek.

At nang tanungin sino ang mga complainant, “’yung mga Marites” ang sagot ng suspek.

Ibinyahe na papuntang Iloilo ang akusado para iharap sa korte. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News