Nahuli-cam sa Angono, Rizal ang malapitang pagbaril ng isang lalaki sa biktimang nakabisikleta nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation," ipinakita ang kuha sa CCTV camera na tila hinarang ng naglalakad na suspek ang nakabisikletang biktima.

ADVERTISEMENT

Sandaling nag-usap ang dalawa at biglang tinabig ng suspek ng biktima. Kasunod na nito ang malapitang pagbaril ng salarin sa biktima.

Tumakas ang salarin, habang isinugod naman sa ospital ang biktima at patuloy na inoobserbahan.

Sa inilabas ng pahayag ng lokal na pamahalaan, mariin nitong kinondena ang krimen at nag-alok ng P10,000 pabuya para madakip ang salarin.

Nangyari umano ang krimen sa harap ng San Isidro Ospital, at 21-anyos ang biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng salarin.--FRJ, GMA Integrated News