Natupok ang siyam na bahay sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon sa nangyaring sunog na sumiklab dakong alas-dos nang hapon nitong Biyernes.

Nagdeklara ang mga bumbero ng "fire under control" dakong 2:45 din ng hapon.

Nangyari ang sunog na tumupok sa siyam na kabahayan at tindahan sa Barangay Gulang-Gulang ng siyudad.

Sa kasalukuyan, nasa barangay hall na ang mga nasunugan.

Kabilang sa mga sinira ng apoy ang mga bahay at tindahan na malapit lamang sa isang gasoline station.

 

Tinitiyak naman ng mga taga-Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi na lalaki at kakalat ang apoy bago simulan ang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang natupok. —LBG, GMA Integrated News