Naghatid umano ng takot sa isang bata ang sana'y masaya niyang paglalaro sa parke sa Tigabuan, Iloilo nang bigla itong makuryente.

Sa video ng GMA Regional TV One Western Visayas na ipinalabas din sa Unang Balita nitong Biyernes, naglalaro ang bata sa parke nang mapunta sa canal malapit sa poste ng ilaw.

Ayon sa tiyuhin ng bata, bigla na lang daw natumba ang bata at umiyak. May live wire daw na nakadikit sa bakal na takip ng canal at nakuryente ang bata.

Mula unamo sa Christmas lights ng parke ang livewire, ayon sa general services office ng parke.

Humingi na ng paumanhin ang tanggapan ng parke sa pamilya ng bata at nangakong hindi na mauulit ang insidente.

Wala umanong balak ang pamilya ng bata na magsampa ng reklamo, pero hiling nila na tiyakin ang seguridad ng mga batang maglalaro sa parke. —LBG, GMA Integrated News