Kahit mga nakabakasyon, naglaan din ng kanilang oras para sa pagninilay ang ilang mga turista sa Boracay nitong Biyernes Santo.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa 24 Oras Weekend, sinabing ilang mananampalataya ang bumisita sa Our Lady of the Most Holy Rosary Parish Church para manalangin.

Nagpaalala ang kura paroko na hindi pa rin makalimutan ng mga mananampalataya ang diwa ng Semana Santa kahit nagbabakasyon sila.

Patuloy ang Malay Police sa pagbabantay ng seguridad sa isla.

Ipinagbawal ang party sa Boracay nitong Biyernes Santo hanggang Sabado ng 6 a.m. —Jamil Santos/GMA Integrated News