Comatose ang isang boksingero sa Sarangani province matapos ang kanyang laban noong Sabado sa Imus, Cavite.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na inilabas din ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing biglang nawalan ng malay si Kenneth Egano, 22, matapos ang laban niya kontra Jason Facularin, 23.

ADVERTISEMENT

Nanalo si Egano via unanimous decision at nang tawagin na sana siya upang itaas ng referee ang kanyang kamay, bigla umano itong nahilo at nawalan ng malay.

Agad naman siyang naisugod sa ospital, ayon sa ulat, at ayon sa kanyang coach, nasa kondisyon umano si Egano at walang nakitang problema sa kanyang medical checkup bago ang laban.

Nangako naman umano ang management ng palaro na sila ang sasagot sa pagpapagamot kay Egano. —LBG, GMA Integrated News