Patay matapos pagbabarilin at puntiryahin sa ulo ang isang elementary teacher habang sakay ng isang pampasaherong bangka sa Alcala, Cagayan.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Nicanor dela Cruz, 50-anyos, guro sa Caralangan Elementary School sa Alcala.

ADVERTISEMENT

Ayon sa pulisya, nakaupo ang biktima sa bangka at naghihintay ng mga kapuwa pasahero nang pagbabarilin siya ng nakatakas na salarin.

Limang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.

Kinuha rin umano ng salarin ang sling bag ng biktima na naglalaman ng wallet at libro.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen pero mayroon na umano silang person of interest.

Nakikiramay naman ang Deparment of Education DepEd Division ng Cagayan sa mga naulila ni dela Cruz at umaasa silang makakamit ng biktima ang hustisya.--FRJ, GMA Integrated News