Patay na at nakasilid sa sako nang matagpuan ang isang lalaki na unang nahuli-cam na dinukot ng ilang kalalakihan sa Jaro, Iloilo.

Sa ulat ni John Sala ng GMA One Western Visayas sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Raymund Castro, 38-anyos.

ADVERTISEMENT

Nakita ang bangkay ni Castro na nasa loob ng sako na binalutan ng packaging tape at itinapon sa Parola wharf sa Iloilo City.

Kinilala ng mga kamag-anak ang bangkay ni Castro, na dinakot umano ng ilang lalaki sa Barangay Desamparados sa Jaro, Iloilo noong Huwebes ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Castro at isang Alyas Bulag na sakay ng motorsiklo. Kasunod nito ay dumating ang isang puting SUV na siyang pinagsakyan umano kay Castro.

Hindi naman nakita sa CCTV ang pagkuha umano kay Alyas Bulag, na hindi pa rin natatagpuan.

Aminado ang pamilya ni Castro na gumagamit ng ilegal na droga ang biktima, at isa ito sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na posibleng motibo sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News