Nalapnos sa mukha, dibdib at kamay ang isang ginang matapos siyang sabuyan ng kumukulong tubig ng kaniyang mister dahil sa selos umano sa Cebu City. Ang babae, hindi nakapagdiwang ng kaarawan dahil sa insidente.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din ni Nikko Sereno sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing hindi na naipagdiwang ng biktima ang kaniyang kaarawan nitong Huwebes dahil sa pasong kaniyang tinamo.
Ayon sa ginang, nanonood siya ng telebisyon Lunes ng madaling araw nang sabuyan siya ng kaniyang asawa.
Agad namang umalis ang kaniyang asawa matapos ang ginawa nitong pambubuhos.
Ayon sa ginang, nag-away sila dahil sa pagseselos umano ng mister nang makipag-video call siya sa kaniyang kaibigang lalaki.
“May kinukumpuni siya, nakita niya na may ka-video call ako. Sabi niya ‘nakakainsulto.’ Sabi ko ‘dati na iyang nakatira rito, kilala siya ng mga anak mo. Gumagawa ng mga gawaing bahay noon, nagsasaing, naghahakot ng tubig; kilala ng mga anak ko ito,” anang ginang.
Nadakip din noong Lunes ang suspek, na napuno na umano sa mga ginagawa ng kaniyang misis.
“Insulto sa akin, respeto na lang sa akin, kumbaga, na asawa, siya rin naman. Ang sa akin lang nu’ng nagkabalikan tayo, ang atensyon mo, dapat sa akin lang. Maliban diyan, may iba pang issue,” sabi ng suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
