Ikinuwento ng isang lalaking putol ang isang paa na sumisid siya para makaligtas mula sa tumaob na bangka sa Laguna de Bay sa bahagi ng Binangonan, Rizal, dahil naghihilahan na ang mga kapuwa niya pasaherong nasa tubig para makaligtas.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA New "24 Oras," makikita ang pasa sa isang mata at sugat sa noo ni  Antonio Mendoza, na kaniyang tinamo sa ginawang pagsisid.

Matapos na tumaob ang bangkang de bangka, naghilahan umano ang ilang biktima at may mga na-trap pa sa bangka dahil sa nakalagay na plastic na ginawang panangga sa ulan.

Kuwento ni Mendoza, may tao umano na humawak sa kaniyang damit.

“Lumangoy ako, sumisid ako. Ito (mata at noo) ang unang tumama. Sabi ko, “bahala na basta mabuhay ako,” saad ni Mendoza na nagpapagaling pa sa ospital.

Hindi makalimutan ni Mendoza ang pagsigaw ng ibang pasahero na na-trap at humingi ng tulong.

“Saklolo! Tulungan niyo kami!, ‘yung sigaw nila sa loob na na-trap. Para bang maawa kami. Gustuhin ko man, putol naman ang paa ko, ano ang maitutulong ko?” emosyonal niyang pahayag.

Bago mangyari ang pagtaob, sinabi ni Mendoza na may buhawi na tumama sa bangka.

“Ang nangyari po talaga, tumagilid ang bangka at ang tao, sa bandang kaliwa doon nagpuntahan ang tao. Walang tao sa bandang kanan ng bangka at ang unang pinalubog ng buhawi ay puwetan ng bangka. Doon nagsimula na lumubog,” pahayag niya.

Nangangamba si Mendoza na maapektuhan ang hanapbuhay niya sa pagtitinda dahil sa nararanasan niyang trauma sa nangyari.

“Nagtitinda lang ako ng isda. Ngayon po may phobia na po ako. Baka isa, tatlong buwan hindi muna ako umalis ng bahay. Baka po ako’ymatulungan ako. Halimbawa magtinda-tinda ng bigas,” pakiusap niya.

Matinding sakit din ang nararamdaman ni Sergio Gondraneos, na apat na kaanak ang nasawi sa trahediya, at tatlo ang nakaligtas.

"Napakasakit po sa amin na nangyari. Ngayon lang po namin naranasan ito na talagang di namin lubos maisip na nangyari ito sa aming pamangkin. Buti may naka-survive sa amin,” pahayag niya.

Hanggang umaga nitong Biyernes, patuloy ang paghahanap ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at pati na ang mga mangingisda, kung mayroon pang mga pasahero na hindi nakikita.

Batay sa tala ng Binangonan Municipal Risk and Reduction Management Council, umabot na sa 27 ang nasawi at 43 ang nakaligtas sa trahediya.

Ayon sa awtoridad, galing ang tumaob na bangka na M/B Princess Aya sa Port of Binangonan, at ilang metro na lang ang layo sa pantalan ng Talim Island nang hampasin umano ito ng malakas na hangin.

Sa takot ng mga tao, nagpuntahan sila sa kaliwang bahagi ng bangka na dahilan para ito tumagilid hanggang sa tumaob.

Lumilitaw din sa paunang imbestigasyon na overloaded ang bangka. --FRJ, GMA Integrated News