Anim na mamahaling cellphone na nagkakahalaga ng P300,000 ang natangay ng mga kawatang nagpanggap na customer sa isang shop sa Iloilo City.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes batay sa detalye mula sa GMA Regional TV One Western Visayas,  kita sa CCTV na pumasok sa tindahan ang isang lalaki para magpa-assist sa saleslady.

Maya-maya pa, dalawang lalaki pa ang pumasok sa shop. Isa sa kanila na nakasumbrero ang nagtangkang buksan ang estante ngunit napansin ito ng tindera.

Isang lalaking naka-gray at babaeng nakaputi na may dalang bag ang pumasok rin sa tindahan.

Nagmamadaling ipinasok ng lalaking naka-gray ang mga sinalising paninda sa bag ng babaeng nakaputi.

Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga salarin.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News