Patay ang isang lalaking police asset umano matapos pagtulungang gulpihin at tadtarin ng saksak ng mga stepbrother ng kaniyang nobya sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Cyril Chaves a GTV News One Mindanao nitong Martes, nakuhanan ng amateur video showed ang ginawang pagkuyog ng mga suspek sa biktima sa Lower Tambo sa Barangay Macasandig.

Nadala pa ang biktima na nagtamo ng nasa 22 saksak sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, ipinatawag ng mga suspek ang biktima para hiramin ang kaniyang motorsiklo.

Kaagad na nagsagawa ng pursuit operation ang mga pulis at naaresto ang isang 19-anyos na suspek. Patuloy naman ang paghahanap sa dalawa.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang nadakip na suspek.

Ayon sa pulisya, galit ang mga tinutugis na suspek sa biktima dahil sa hinala na ang huli ang dahilan kaya naaresto ang kanilang ama na sangkot sa ilegal na droga.

Kinikilala naman ng pulisya na malaki ang naitutulong ng biktima sa kanilang operasyon.-- FRJ GMA Integrated News